Dahil ginagamit na quarantine facility ang hotel na pinagdausan ng party sa Makati, itinuring na naka-quarantine doon ang pumanaw na flight attendant na si Christine Dacera kaya ipina-embalsamo muna siya bago isagawa ang awtopsiya, ayon sa hepe ng National Capital Region Police Office.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni NCRPO Chief Police Brigadier General Vicente Danao Jr., na bagong patakaran sa pulisya na ipaembalsamo muna ang mga pinaghihinalaan at kumpirmadong may COVID-19 bago isagawa ang awtopsiya bilang pang-iingat sa virus.
“Pandemic po tayo ngayon. We have a policy na nagsasabi, especially pagka-probable or suspected victim ka or the cause of death might be [of] COVID, ang policy pala diyan is mauna ‘yung embalming bago ‘yung autopsy,” ayon sa opisyal.
“It is a quarantine facility [City Garden Grand Hotel ], okay? So it is presumed na kapag nandoon ka ay baka nagkuwa-quarantine ka,” dagdag ni Danao.
Gayunman, hindi raw alam ni Danao kung isinailalim muna si Dacera sa COVID-19 test bago inembalsamo.
“‘Yun po ang hindi ko alam. That is always their right as the family of the ano, no, victim. They could always recommend over that and it is now up to the higher authorities to act on it, no?” sabi ni Danao.
Una rito, pinuna ang desisyon ni Police Major Michael Nick Sarmiento, medico-legal officer ng Philippine National Police (PNP) crime lab, na ipaembalsamo si Dacera kahit hindi ipinapaalam sa miyembro ng pamilya.
Dahil sa pag-embalsamo sa mga labi ni Dacera, sinasabing nasira ang ilang "ebidensiya" na maaaring makatulong kung ano talaga ang nangyari sa flight attendant.
Ayon naman kay forensic pathologist Raquel Fortun, dapat inilagay lang sa refrigerator ang katawan ni Dacera habang hinihintay ang swab test sa bangkay nito sa halip na inembalsamo kaagad.
Dahil sa nangyari sa mga labi ni Dacera, sinabi ni Danao na aasa ang imbestigasyon ng pulisya sa testimonya ng mga testigo.
“It doesn't matter kung wala po ‘yung ating toxicology results as long as there will be witnesses who will be coming out to testify what really transpired on that evening,” ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News