Magbibigay na ng notice of disconnection sa susunod na linggo ang Meralco para sa kanilang mga kostumer na hindi pa rin nakababayad ng balanse sa konsumo ng kuryente mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic noong Marso.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing itinigil ng Meralco ang pagpuputol ng kuryente sa mga kostumer na hindi nakabayad ng konsumo mula nang ilagay sa enhanced community quarantine o ECQ ang Metro Manila noong Marso.

Ayon sa Meralco, sapat na ang halos 10 buwan na palugid para makapagbayad na ng balanse ang kanilang mga konsumer.

Ang mga kostumer ng Meralco na nasa 200 per kWh pababa ang konsumo ay bibigyan naman ng palugid hanggang sa katapusan ng buwan ng Enero.

Samantala, may taas-singil din ang Meralco na P0.2744/kWh ngayong buwan. Ang naturang taas ng singil ay katumbas ng dagdag na P55 sa mga kumokonsumo ng 200 kWh; P82 sa 300 kWh; P110 sa 400 kwh at P137 sa 500 kwh.

Ang dagdag-singil ay dulot umano ng pagtaas ng Generation Charge bunsod ng paggalaw ng palitan ng piso kontra dolyar, presyo ng langis, at mababang demand sa kuryente nitong Disyembre.

Isasama na rin daw sa billing ng Enero, Pebrero at Marso ang refund sa Over Recoveries noong 2017 hanggang 2019 na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ibalik.--FRJ, GMA News