Patuloy pa rin ang pagdagsa sa Quaipo Church ng mga deboto ng Itim na Nazareno isang araw bago ang kapistahan ng patron sa ika-9 ng Enero, sakabila ng banta ng COVID-19.
Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na madaling-araw pa lamang nagsiksikan na umano ang mga deboto, at pahirapan para sa mga pulis at mga awtoridad ng Quiapo Church ang pagpatutupad ng health protocols, kabilang na ang social distancing.
Dagdag ng ulat, pagsapit ng ala-siete ng umaga, naging maayos na rin ang daloy ng mga deboto sa Villalobos Street na nagsisilbing entrance patungo sa simbahan ng Quiapo.
Mahigpit din umano ang pagbabantay ng mga pulis upang masiguro na maipatutupad ang health protocols laban sa COVID-19.
Dagdag pa ng ulat, noong Huwebes pa lamang umano pinaalis na sa paligilid ng simbahan ang mga sidewalk vendor. Pero bumabalik din ang iilan sa mga ito upang magtinda kapag wala na ang mga pulis.
Kabilang sa mga itinitinda ay sampaguita, rosary bracelets, kalendaryo ng Itim na Nazareno, at iba pang items.
Inaasahan umano ang pagdagsa pa ng maraming mga deboto sa kapistahan mismo sa January 9 ng Itim na Nazareno.
Kaya patuloy ang pagpapaalala ng pamunuan ang Quiapo Church, lalo na sa mga senior citizen, na huwag nang pumunta dahil sila ang pinakabulnerable sa COVID-19.
Iminungkahe din ng pamunuan ng Quiapo Church na lumahok na lamang ang mga deboto sa online Masses for the Feast of the Black Nazarene 2021 sa official na Facebook at YouTube pages ng Quiapo Church.
Nauna nang inanunsyon ng pamunuan ang Quiapo Church na kinansela na ang mga aktibidad sa taong ito, kabilang na ang inaabangang prusisyon, na nakasanayan nang idinadaos tuwing Feast of the Black Nazarene, dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Inanunsyo din ng simbahan na 11 Masses ang kanilang idadaos sa araw ng kapistahan. Limitado lamang ang bilang ng maaaring makalahok sa mga Misa at istriktong ipatutupad ang health protocols. —LBG, GMA News