Apat na preso ang nakatakas mula sa Galas Police Station sa Quezon City gamit ang isang lagare, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nakunan pa ng CCTV kung paano nilagare ng mga preso ang rehas ng piitan para makatakas. Kita rin na may panglima pa sanang tatakas pero dumating na ang bantay na pulis, na umihi lang daw sandali.

Hinabol ng mga pulis ang mga nakatakas pero hindi na sila inabutan.

May mga kasong may kinalaman sa droga at robbery ang mga nakatakas. Dahil sa ginawang pagtakas, sinampahan ng karagdagang reklamong malicious mischief ang apat.

Mananagot naman ang jailer, na dinala na sa Camp Karingal. —KBK, GMA News