Inihayag ng isa sa mga pinapasagot sa nangyaring pagkamatay ni Christine Dacera na posibleng sa ginamit na wheel chair nakuha ang tila hiwa na sugat sa likod ng hita ng namatay na flight attendant.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, sinabi ni Valentine Rosales na tumawag ng medic ang kaibigan nilang si Gregorio De Guzman, nang makita nila sa bathtub si Dacera na wala nang malay at hindi na humihinga sa isang kuwarto ng hotel sa Makati.

“No’ng dumating ‘yung medic, kumuha sila ng wheelchair. ‘Yung wheelchair na kinuha nila, walang leg assist,” ani Rosales.

Pinilit daw nilang buhatin si Dacera para mailagay sa wheelchair.

“E wala ngang leg assist… Nakikita ko kasi naiipit ‘yung legs niya sa may sidebars ng wheelchair. Tapos si Clark [Rapina], being a nurse, pumunta do’n tinaas niya ‘yung paa habang ‘yung medic tinutulak si Tin papunta sa doon sa back elevator nila,” kuwento pa niya.

Mariing itinanggi nina Rosales at mga kasama niya na may foul play sa pagkamatay ni Dacera, taliwas sa hinala ng pamilya na pinagsamantalahan ang dalaga.

Natagpuan na walang buhay si Dacera ilang oras matapos na magdiwang ng pagsalubong sa bagong taon sa hotel kasama ang mga kaibigang bakla.

Kabilang sa mga ipinagtaka ng pamilya ni Dacera ang nakitang sugat sa likod ng hita at mga pasa sa tuhod nito.

Pero ayon sa tatlo, suka nang suka si Dacera kaya hinayaan nila ito na sa bathtub manatili batay na rin sa kaniyang kahilingan.

Nitong Miyerkules, iniutos ng piskalya na palayain ang mga nakadetineng sina John Dela Serna, Rommel Galido, at John Paul Halili, habang isinasagawa ang preliminary investigation upang alamin kung talagang may nangyaring krimen sa pagkamatay ni Dacera.

Itinakda ang preliminary investigation sa January 13.--FRJ, GMA News