Ibinahagi ng matalik na kaibigan ni Christine Dacera ang huli nilang pag-uusap noong dakong 12:45 am ng January 1, 2021, kung saan inihayag ng nasawing flight attendant na "mas babae pa sa kaniya" ang mga kaibigang bakla na kasama niya sa New Year's party.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni Danna Rose Socaoco sa panayam ng "Stand For Truth," na nagpahayag sila ng pag-aalala ng kaniyang nobyo nang malaman nila ang tungkol sa party na gagawin sa Makati.

"Sabi ng boyfriend ko, 'Hala baka mapano ka diyan.' Sabi niya [Christine], 'Negas 'day mas mga babae pa 'to sa akin,'" kuwento ni Danna.

Bandang 12:45 a.m. ng January 1 natapos umano ang kanilang pag-uusap.

Pero kinatanghalian ng araw na iyon, nakitang walang buhay si Christine sa bathtub ng kuwarto ng hotel sa Makati na pinagdausan ng party.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung may ipinainom na droga kay Christine at kung ginahasa ba siya.

Bagaman dalawang taon pa lang silang magkaibigan na nagsimula nang sabay silang mag-training bilang flight attendant, masasabing kilala na ni Danna ang ugali ni Christine.

Inilarawan niya ito na masayahin, makuwento at palakaibigan.

Nakita rin niya kung gaano kalapit si Christine sa pamilya.

Nasasaktan daw si Danna sa mga nakikita niyang hindi maganda sa social media tungkol sa kaniyang kaibigan dahil hindi umano ganoon si Christine.

Nitong Miyerkules, pinalaya ng piskalya ang tatlong suspek na nakadetine habang sisimulan sa Enero 13 ang preliminary investigation upang alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Christine at kung may naganap bang krimen tulad ng panggagahasa.--FRJ, GMA News