Hindi puwedeng arestuhin ang mga suspek sa Christine Dacera case hangga't walang warrant of arrest na inilalabas ang korte kahit pa matapos ang itinakdang 72-hours deadline ni PNP chief Police General Debold Sinas para sa kanilang pagsuko.
Ito ang nilinaw ni PNP spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana, habang hinihintay nila ang resulta ng inquest proceedings sa piskalya laban sa 11 suspek na sinampahan ng reklamong rape with homicide.
Sa 11 suspek, tatlo pa lang ang naaresto.
"Inasmuch na nandun po sila, kasama po doon sa mga kinasuhan at ito naman ay uusad pa rin po sa korte. Hindi naman po ito yung agad-agaran na sila ay aarestuhin kasi wala naman po kaming warrant pa," sabi ni Usana sa panayam sa radyo.
Wala pang inilalabas na resolusyon ang piskalya kung isasampa sa korte ang kaso laban sa mga suspek o papawalang-sala sila kung mahina ang ebidensiya.
Sa sandaling magpasya ang piskalya na iakyat sa korte ang reklamo at ganap na maging kaso, maglalabas ang hukom ng arrest warrant laban sa nakalalayang suspek na magiging akusado na sa kaso.
Sa ilalim ng batas, pinapayagan lamang ang warrantless arrest kung nahuli sa akto ang suspek na ginagawa ang krimen; kung takas sa bilangguan ang suspek; at kung alam ng aarestong awtoridad na sangkot ang suspek sa krimen na kagaganap lang.
Ayon kay Usana, mas makabubuti pa rin sa mga suspek sa kaso ni Dacena na sumuko at ipresinta ang kanilang panig at ebidensiya para maipagtanggol na ang sarili.
"The fact they were there, nakita po sila sa loob ng kuwarto, sila po na-identify, kailangan lang po talaga magpakita sila ng kanilang parang sort of pananalita kung ano man po ang naging posisyon nila dito sa pangyayaring ito," sabi ng opisyal.
Tanghali noong Enero 1 nang makita ang katawan ni Dacera, 23-anyos na flight attendant, sa bathtub ng isang hotel sa Makati matapos mag-New Year party kasama ang mga kaibigan.
Sa paunang pagsusuri, ruptured aortic aneurysm ang dahilan ng kaniyang pagkamatay pero may nakikitang indikasyon ng foul play sa nangyari ang pulisya.
Una rito, nagbabala si Sinas sa mga suspek na sumuko "within 72 hours" at huwag nang hintayin na tugisin sila.—FRJ, GMA News