Pumanaw na sa edad na 65 si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo "Danny" Lim nitong Miyerkules, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, pumanaw si Lim kaninang umaga (bago mag-8:00 a.m.)

“Lim served the Duterte administration with professionalism, competence and integrity. He would be dearly missed,” saad ni Roque.  “May the perpetual light shine upon him, and may his soul, through the mercy of the Almighty, rest in eternal peace.”

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Lim na tinamaan siya ng COVID-19, pero wala pang opisyal na pahayag sa dahilan ng pagpanaw ng pinuno ng MMDA.

“Yung cause of death, lahat po, ito ay official na ia-announce anytime today. Inaantay pa namin 'yung official announcement ng pamilya,” sabi ni MMDA  spokesperson Celine Pialago sa Dobol B sa News TV.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na MMDA chairman si Lim noong Mayo 2017.

Nagsilbi rin si Lim bilang deputy commissioner ng Bureau of Customs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.  

Bilang dating sundalo, nagtapos si Lim sa US Military Academy sa West Point, at naging bahagi ng 1989 coup attempt laban sa noong pangulong Corazon Aquino.
Sumuko kinalaunan si Lim at nakulong hanggang na nabigyan ng amnestiya noong 1995.

Noong 2006, inaresto si Lim at ikinulong sa bintang na nagpaplano silang patalsikin sa puwesto ang noo'y pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Nakasama rin siya ni dating senador Antonio Trillanes IV, dating Navy officer, nang okupahin nila ang Manila Peninsula Hotel ng ilang oras para sa pag-aaklas.

Napalaya si Lim matapos ang termino ni Arroyo at tumakbong senador noong 2010 pero nabigong manalo.—FRJ, GMA News