Nakumpiska ng mga awtoridad ang P54 milyon halaga ng shabu sa Muntinlupa City na ibinalot sa mga kulay pulang tea bag na mistulang pangregalo ngayong Pasko.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, makikita na dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) - NCR sa Tunasan, Muntinlupa sina Renzy Viscarra at Red Viscarra, matapos na makumpirmang hawak na nila ang mga markadong pera sa isinagawang buy-bust operation.
Nakuha sa mga suspek ang tinatayang walong kilo ng shabu.
Nakatakda umanong ibagsak sa iba't bahagi ng Metro Manila ang mga shabu, na inilagay sa mga tea bag at ibinalot sa kulay pulang pangregalo.
"'Yung packaging po nila ay inayon din nila sa ating holiday season. Iyang tatak niyan bago, pang-Christmas season 'yung kanilang production na ito," sabi ni PDEA-NCR Regional Director Adrian Alvariño.
Sa follow-up operation, nadakip naman sa Pasay City ang dalawang lalaki na tatanggap sana ng mga na naka-Christmas packaging na shabu.
Maliban sa shabu, nabawi rin ng PDEA ang 30 tableta ng ecstacy na mataas daw ang demand ngayong holiday season.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng mga inaresto na nahaharap sa paglabag sa Dangerous Drugs Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News