Patay ang rider at sugatan ang kaniyang angkas matapos na mabangga at kaladkarin ng isang trailer truck ang kanilang motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT," inilahad ng barangay volunteers na nangyari ang aksidente pasado tanghali nitong Huwebes.
Mabilis umano ang takbo ng trailer truck nang mabangga at kinaladkad nito ang motorsiklo.
Pumailalim pa sa truck ang mga biktima.
Sinabi ng imbestigador na agad na nasawi ang rider samantalang isinugod naman sa ospital ang angkas.
Sumuko na ang driver ng truck at sinabing mabagal lang daw ang kaniyang itinakbo at hindi niya napansin ang motorsiklo. --Jamil Santos/FRJ, GMA News