May pagkakataon sana ang Pilipinas na makakuha ng hanggang 10 milyong doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa Enero 2021. Pero nawala ito matapos na mabigo ang pamahalaan na makapagsumite ng Confidentiality Disclosure Agreement (CDA), ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel "Babe" Romualdez.

"It took time for us to respond, so I called up the office of Secretary (Salvador) Medialdea and asked him if he can help us in getting that done and it was in fact the office of Secretary (Francisco) Duque, so I guess that's where this whole 'dropping the ball' issue came about," kuwento ni Romualdez, patungkol sa tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. nitong Miyerkules.

"But nonetheless Pfizer is still with us and they're still talking to us and hopefully, we can get access to their vaccines. But the time for us to be able to get it earlier like Canada, Bahrain, and Singapore and others is gone because we needed to act quickly," dagdag niya.

Ayon kay Romualdez, Hulyo pa lang ay nakikipag-usap na sila ni Locsin kay US Secretary of State Mike Pompeo, para makasama ang Pilipinas sa listahan ng mga maagang bibili ng Pfizer's COVID vaccine.

Sinabi pa ng opisyal na inabisuhan ng Pfizer ang Philippine Embassy sa Washington nang handa na silang tumanggap ng "order" at kailangang ilagay sa CDA na interesado ang bansa sa bakuna.

Sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na ang CDA ay dapat pirmahan ng Office of the Executive Secretary para sa Office of the President.

“That would have spared Pfizer from signing a confidentiality agreement with many other government agencies, so isa na lang dapat,” paliwanag niya sa ANC.

Ayon kay Duque, pinirmahan niya ang CDA para sa Pfizer's vaccine noong Oktubre.
Giit ng kalihim, walang tinatawag na "dropping the ball" sa proseso ng pagkuha ng bakuna ng Pfizer."

Nagpapatuloy naman umano ang negosasyon sa Pfizer, ayon kay Duque.

Ayon kay Romualdez, ayaw niyang husgahan ang proseso ng mga opisyal sa Maynila sa pag-apruba sa CDA ng Pfizer pero may "sense of urgency" ang pagpirma nito na hindi natugunan sa tamang oras.

"Hindi nga napirmahan eh so October na eh, tawag nang tawag sa akin 'yung taga-Pfizer, following up na kung hindi tayo gumalaw kaagad eh 'yung pinag-usapan nila ni Secretary Locsin at Secretary Pompeo eh medyo magiging problema. So talagang may sense of urgency we needed to work on it quickly and unfortunately hindi nga natin napirmahan agad," pahayag niya

Ayon pa kay Romualdez, posibleng sa Hunyo 2021 na makakakuha ang Pilipinas ng 10 million doses ng Pfizer vaccine kung matutuloy ang pag-uusap.

"We did what we could here and talking to them and moving it quickly and that's why what Secretary Locsin said 'somebody dropped the ball,' eh in a way parang ganun na nga 'yun kasi siyempre 'yung bola nandito sa amin, galing sa kanya, pinasa namin, eh yung bola nawala, eh last three minutes eh. But, it's okay, we're still in play, hindi naman tapos 'yung game," sabi ni Romualdez.

Duterte, idinepensa uli si Duque

Hindi naman itinuturing ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakagawa ng "major lapse" si Duque dahil sa pagkawala ng pagkakataon na makakuha ang Pilipinas ng maagang COVID-19 vaccine sa Pfizer-BioNTech.

Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na emosyonal si Duque na idinepensa ang sarili nang magpulong ang Gabinete  nitong Miyerkules ng gabi.

“I think from the overall demeanor of the President eh wala naman po siyang nakikita na major lapse dahil ang pinag-uusapan po ay kontrata at hindi naman po abogado si Secretary Duque,” ani Roque.

“At wala rin pong danyos na nangyari because patuloy pa rin po ang pagkuha natin ng Pfizer,” dagdag pa niya.

Matatandaan na ilang beses na ring ipinagtanggol ni Duterte sa Duque sa mga kritisismo tungkol sa pagkilos ng DOH sa usaping ng COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News