Sa kulungan ang bagsak ng isang babae matapos niyang alukin umano na mag-invest ang halos 300 empleyado ng isang airline company pero ipinang-casino raw ng suspek ang natangay na pera hindi bababa sa P200 milyon. Ang suspek, itinanggi ang paratang.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Lolita Cantuba, 55-anyos, na nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit.
Ayon sa mga biktima, inalok sila ni Cantuba na mag-invest sa isang build and sell realty business na may malaking kita sa kada proyektong maibebenta.
Life savings na ng mga biktima ang karamihan sa mga perang natangay ng suspek.
"Ang mga ito ay mga piloto, cabin crew, mga stewardess, steward, ground steward, mga emmpleyado ng malaking airline company. 'Yung members naman na makakahikayat din ng additional investor ay merong 50 percent na komisyon," sabi ni Atty. Jun Donggalo, hepe ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit.
"Kaya imagine-in natin, talagang maraming nahikayat. Kaya nagmu-multiply 'yung naloloko nila," dagdag ni Donggalo.
Mariin namang itinanggi ng suspek na dinala niya ang pera sa casino para ipangsugal.
"Ang kabuuan po na pumasok sa aking pera, nasa kulang kulang P6 million. 'Yung sinasabing investment sa akin, wala po 'yung katotohanan kasi nu'ng nag-umpisa po kaming mangutang, wala pong ganiyang investment na sinasabing build and sell realty state, wala po kaming ganu'ng negosasyon o transaksiyon o kontrata," sabi ni Cantuba.
Hinanakit ng isang biktima; "Sobrang sakit, pinaghirapan po namin 'yan, tapos magkakatanggalan po kami sa trabaho next year so kailangang kailangan namin yang pera. Hindi ko matanggap na ginastos lang niya sa casino or whatever 'yung perang pinaghirapan sa trabaho."
Kakasuhan ang suspek ng syndicated estafa.
Sa kulungan ang kaniyang bagsak matapos madiskubre ng mga awtoridad na may kaso pa siyang paglabag sa bouncing checks law.
"Meron na pala itong existing na kaso sa BP. 22 naman at sintensyado na rin siya. Ang gagawin na lang natin is i-serve 'yung warrant at puwede na natin siyang ipakulong at wala nang piyansa 'yun," sabi ni Donggalo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News