Arestado ang isang 26-anyos na babae matapos umanong takbuhan ang mga taong hinikayat niyang mag-invest sa negosyo niya, ayon sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Reanne Joy Fernandez, na isa raw dating medical representative. Nabawi sa kaniya ang ilang dokumento at P300,000 na boodle money.
Ikinasa ang entrapment operation matapos ireklamo si Fernandez ng mga umano'y investor niya.
Ayon sa isang complainant, nagtayo si Fernandez ng sarili niyang kumpanya na nagsu-supply ng gamot at medical supplies matapos matigil bilang medical representative dahil sa pandemic.
Ayon kay Aaron Genove na isang investor, P50,000 daw ang hiningi sa kaniya ng suspek at pinangakuan siya ng malaking interes sa loob lamang ng tatlong araw.
Pero lumipas ang mga linggo pero walang malaking interes na bumalik sa mga investor.
Ani Genove, napag-alaman niya kalaunan na may dati nang record ng panloloko si Fernandez.
Hindi nagbigay ng pahayag si Fernandez. --KBK, GMA News