Tatlong sasakyan at apat na bahay ang napinsala matapos matumba ang ilang poste nang sumabit at mahatak ng tren ng Philippine National Railways ang mga nakalaylay na kawad sa Sta. Cruz, Maynila nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 349, sa Old Antipolo St.
Isang lalaki na nasa loob ng kaniyang kotse ang himalang nakaligtas matapos mabagsakan ng poste ang nawasak niyang sasakyan.
Dalawa naman sa apat na napinsalang bahay at natuklapan ng bubungan.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang pagkakagulo ng mga tao nang magsimulang gumalaw ang mga kawad nang mahagip ng tren at kasunod na nito ang pagtumba ng ilang poste.
Nagtatanong naman ngayon ang mga apektadong residente kung sino ang mananagot sa nasira nilang mga sasakyan at mga bahay.
Ayon sa punong barangay na si Elisa Franco, plano nilang sampahan ng reklamo ang mga internet, telepone at cable provider dahil sa mga nakalaylay na kawad, at maging ang pamunuan ng PNR.--FRJ, GMA News