Inaresto ng mga pulis mula sa Manila Police District Station 3 ang 20 taong dumalo sa isang reception ng binyag sa loob ng Manila North Cemetery nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Dobol B sa News TV, inaresto ang mga suspek dahil sa paglabag sa health protocols laban sa COVID-19.
Nagulat ang mga bisita nang biglang dumating ang mga pulis sa reception na ginanap sa tabi ng mga nitso sa loob ng sementeryo.
May tent na inilagay para sa nasabing reception.
Nahuli ang mga suspek na nagvi-videoke habang nag-iinuman.
Hindi rin naka-face mask at face shield ang marami sa mga bisita.
Manila police arrest 23 people for drinking liquor, violating minimum health protocols in a baptism party held inside the Manila North Cemetery ????: MPD Station 3 | via @JonathanAndal_ pic.twitter.com/fgA3gxGa19
— GMA News Breaking (@gmanewsbreaking) December 13, 2020
Dinala na ang mga suspek sa isang covered court malapit sa Station 3 ng MPD sa Sta. Cruz, Maynila.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa health protocols ang mga suspek.
Nagbabala noon ang Department of Health laban sa pagvi-videoke dahil mataas ang tsansang makapag-transmit ng virus habang kumakanta. —KG, GMA News