Aalukin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng 26,000 na trabaho sa information technology (IT) at business process outsourcing (BPO) industry ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga trabaho na maaaring aplayan ng mga OFW ay customer service, technical support, IT support, IT developers at consultants.
“Sa ngayon po nag-uumpisa ‘yong pagtatawag, pagko-contact doon sa mga returning OFWs to offer the jobs and then ito po will run until December this year and we will follow through on the successful job matching and referral na nangyayari po ngayon. So there’s an ongoing recruitment and hiring process,” ayon kay DOLE assistant secretary Dominique Tutay.
Idinagdag ng DOLE na maghahanap din sila ng mga manggagawa na may bagong kasanayan para sa manufacturing companies.
Hinikayat ng DOLE ang mga OFW na kumuha ng bagong kasanayan sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) o sa mga online skills training ng mga private sector.
“Dahil po may shift pagdating dito sa skills, kinakailangan po ng kaunting push pagdating sa training ng ating mga manggagawa,” paliwanag ni Tutay.--FRJ, GMA News