Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na mas maraming imported rice ang inaasahang darating sa bansa 2021 para punan ang mga nasirang pananim ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Dar, target ng DA na itaas sa 93 percent ang rice sufficiency ng bansa, pero dahil sa pinsala ng mga bagyo sa agrikultura ay maaaring bumaba ito sa hanggang sa 89%.
“If we're able to meet that target, then we only have to import 7% of our total rice consumption. With the typhoon damages now, that could go down to bring us back to almost 89% to 90%,” paliwanag sa ANC ng kalihim nitong Huwebes.
“We have yet to now bring in 10% of our total rice consumption,” patuloy niya.
Ayon kay Dar, natural na mag-aangkat ang isang bansa ng bigas kung hindi nito kayang tugunan ang pangangailangan ng tao.
“When you are only able to produce 90% percent of your requirement sa rice, then, you always have to import the rest of that from other countries... Yes, that's a given,” paliwanag niya.
Hanggang nitong Miyerkules, iniulat na umabot na sa P12.3 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng mga bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses.--FRJ, GMA News