Naniniwala ang Malacañang na hindi kailangang humingi rin ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Bise Presidente Leni Robredo kaugnay sa maling pag-akusa ng dalawa niyang opisyal na gumamit ng C-130 military plane ang pangalawang pangulo nang magtungo sa Bicol.
“Hindi naman sinabi ni Presidente sumakay siya ng C-130 eh. Hindi naman sinabi ni Presidente na pinalabas niya na iyong laman ng C-130 eh dala-dala ni VP Leni. Eh bakit siya manghihingi ng abiso?,” paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes sa pulong balitaan.
“Bakit naman hihingi ng abiso ang Presidente na wala siyang pagkakamali?,” dagdag niya.
Ayon kay Roque, ang alegasyon ay nanggaling kina Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Humingi na ng paumanhin sina Panelo at Lorenzana kay Robredo matapos kumpirmahin ng Philippine Air Force na hindi sumakay ng C-130 plane ang bise presidente nang magtungo sa binagyong Catanduanes noong Nobyembre 3.
Pinuri naman ni Roque sina Panelo at Lorenzana sa ginawang pag-amin sa pagkakamali.
“They are true gentlemen because when they are wrong, they acknowledged they were wrong and asked for an apology,” saad niya.
Kamakailan lang, naglabas ng galit si Duterte kay Robredo dahil sa pagkakalat daw ng huli ng maling impormasyon tungkol sa kung nasaan siya sa kasagsagan ng bagyo.
Tinukoy din ng pangulo ang nag-viral na hashtag na "nasaan ang pangulo" na umano'y pakana ni Robredo.
Gayunman, itinanggi ni Robredo ang alegasyon at iginiit na hindi niya hinanap ang pangulo.
Paniwala ng bise presidente, nagbigyan ng maling impormasyon si Duterte kaya nagalit ito sa kaniya. --FRJ, GMA News