Tinanggihan ni Las Piñas City Representative Camille Villar ang nominasyon na gawing siyang deputy speaker sa Kamara de Representantes kasunod ng panibagong balasahan sa kapulungan nitong Miyerkules.
Sa sulat na ipinadala niya kay Speaker Lord Allan Velasco, inihayag ni Villar ang pasasalamat sa ginawang nominasyon na gawin siyang isa sa mga deputy speaker ng liderato.
"It is an opportune time to work with my fellow congressmen and the leaders of the House of Representatives on policy measures that would give personal and economic relief to our kababayans amid the past disasters and the pandemic," anang baguhang kongresista na anak nina dating Senate President Manny Villar at Senador Cynthia Villar.
"But the greater tact is adherent responsibility to our constituents, and the constant affinity to the leadership and nation," dagdag pa niya.
Gayunman, tiniyak ng nakababatang Villar kay Velasco na buo ang suporta niya sa legislative agenda ng bagong liderato sa Kamara.
Kabilang si Rep. Villar sa tatlong kongresista na hinirang sa plenaryo nitong Miyerkules na maging deputy speaker--kabilang sina Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez at Buhay party-list Representative Lito Atienza.
Pinalitan sa puwesto sina Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez, at Batangas Rep. Raneo Abu, na kilalang malapit na kaalyado ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.—FRJ, GMA News