Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang tatlong taong gulang na batang babae, sa sunog na sumiklab sa Caloocan City nitong Lunes ng madaling araw.

Natupok ng apoy ang bahay ng mga biktima sa Pangarap Village sa Barangay 182, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita ng GMA.

Kuwento ng kaanak ng biktima, lumabas sila ng bahay para kumain. Pagbalik nila ay natupok na ng apoy ang bahay.

Nasunog ang bangkay ng kanilang lolo, lola at batang pinsan.

Nagsimula raw ang sunog ng 2 a.m. at naapula ito matapos ang 40 minuto.

Walang ibang bahay na naapektuhan.

Ayon kay City Fire Director Aristotle Bañaga, hindi na nila itinaas ang fire alarm dahil kaya na ng kanilang apat na firetruck ang sunog.

Tinitingnan daw ng Bureau of Fire Protection kung ang sanhi ng sunog ay ang paggamit ng kandila. Wala raw kuryente sa bahay at kandila ang gamit ng pamilya para magka-ilaw, ani Bañaga.

Tinatayang aabot sa P150,000 ang pinsalang naidulot ng sunog. —KG, GMA News