Binaha ang isang shopping mall sa Quezon City nitong Lunes matapos ang mga pag-ulan dulot ng bagyong Nika, Low Pressure Area at Hanging Habagat.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, makikitang ipinangharang ang mga sako at upuan para hindi magtuloy ang tubig sa iba pang bahagi ng mall. 

Nawala rin ang baha kalaunan.

Bukod dito, binaha rin ang ilang kabahayan sa Kamuning sa Quezon City dahil sa pag-apaw ng ilog.

May takot man, sinabi ng mga residente na sanay na sila sa mga pagbaha kapag umaapaw ang ilog.

Nagtampisaw at naglaro pa ang ilang bata sa abot-hita na baha.

Ganito rin ang eksena sa Scout area kung saan nakapag-swimming pa ang mga bata sa baha. 

Hindi na ito halos madaanan ng mga sasakyan dahil sa lalim ng baha, at tumirik pa ang ilang lumusong na kotse sa gitna ng kalsada. —Jamil Santos/KG, GMA News