Nauwi sa sakitan ang alitan ng isang babaeng TNVS driver at isang naka-sibilyang pulis nitong Martes sa isang coffee shop sa Taguig City matapos magkainitan ang dalawa sa away trapiko.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa “24 Oras” nitong Biyernes, nakuha sa CCTV na tila ginawang drive through ng pulis na si Ronald Saquilayan ang drop off point sa harap ng coffee shop habang naghihintay sa anak.

Makikitang inabot ng anim na minuto bago kumatok sa bintana ang driver na si Florence Norial. Maya-maya ay humingi na ito ng tulong sa guwardiya.

Nang hindi pa rin umalis si Saquilayan, kumuha na ng video si Norial.

“Narinig ko na sabi niya na ibe-video niya raw ako. So, of course, definitely, ‘pag vinideo niya ako, presenting myself, ako na naman ang talo. Kami na naman ang talo, kapulisan na naman ang talo, kami na naman ang mali,” ani Saquilayan.

Matapos nito, bumababa na ng sasakyan si Saquilayan upang kausapin si Norial. Maya-maya pa ay nagka-pisikalan na ang dalawa.

Ayon kay Saquilayan, pinipigilan raw siya ni Norial na makapasok ng sasakyan.

“Ayaw niya po ako pasakayin. Tinutulak niya po ‘yung pinto, so I need to force myself in. Nagkataon, paghila ko, akala ko nga po napa-upo siya, napa-atras lang po siya,” aniya.

Wala ang boyfriend ni Norial nang magkagulo pero sabi nito, nasugatan si Norial nang puwersahang buksan ni Saquilayan ang pinto.

“After niyang makiusap, nung pagkatulak po sa kaniya sa pinto nung car at tumumba siya, nasubsob siya, which may mga pasa po siya. Pagbangon niya po sinampal niya po ‘yung officer,” ani Mirza Miguel Shahzad.

Sa isa pang video na kuha naman ni Norial sa loob ng coffee shop, maririnig siyang umaalma sa pag-aresto sa kaniya ni Saquilayan.

“You cannot arrest me without the proper papers. No, you cannot do that. What’s your name? What’s your name?” ani Norial.

“I’m Police Captain Ronald Saquilayan, and I’m arresting this woman for hurting me, for hitting me,” sagot naman ni Saquilayan.

Ngunit, iginiit ni Norial na ang ginawa niya ay self-defense lamang dahil nauna siyang sinaktan ng pulis.

“For hitting you? It was self-defense, you hit me first! Okay? Now, please get out of the way,” ani Norial sa video.

Inaresto si Norial at dinala sa Taguig Station 4, kung saan sumunod ang kaniyang boyfriend at kapatid. Sila man ay pinagbantaan na poposasan nang makitang kumukuha ng video.

“Hindi naman sila tinatakot or hinawakan or minanhandle. In fact, ang kumakausap sa kanila ‘yung WCPD personnel doon sa sub-station,” ani Police Brigadier General Emmanuel Peralta, ang district director ng Southern Police District.

Na-inquest si Norial matapos sampahan sa reklamong direct assault, alarming scandal, at disobediance, pero nananatili pa rin siyang nakakulong ngayon.

Ayon naman kay Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, iimbestigahan nila kung may nilabag na batas ang mga pulis.

“The CHR already reached out to the family of the victim. The Commission will look into the possible misconduct of the police officer identified as Captain Ronald Saquilayan, and investigate if there was a disregard of the due process of law as claimed bu the victim in the video circulating online,” aniya. -NB/FRJ, GMA News