Sumuko na sa mga awtoridad ang sinasabing nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa dalawang nursing graduate at isang estudyante sa Caloocan City. Pero batay sa pahayag niya sa pulisya, iba ang bersiyon  niya sa nangyaring krimen.

Kinilala ni  Quezon City Police District chief Police Brigadier General Ronnie Montejo, ang suspek na si Ronald  Cajepe, 38-anyos, isa ring construction worker.

Si Cajepe ang itinuro nang naunang sumukong suspek na si Anselmo Singkol, na siya umanong pumatay kina Arjay Belencio at Glydel Belonio, at kaibigan nilang si Mona Ismael, sa ipinapagawang bahay na pinagtatrabahuhan ng mga suspek.

Ayon kay Montejo, sumuko si Cajepe kay Police Major Sandie Caparroso, deputy station commander ng Station 6 kaninang tanghali.

Sinabi pa ng opisyal na umamin umano si Cajepe na may partisipasyon siya sa nangyaring krimen na naganap sa isang subdivision sa North Caloocan noong nakaraang buwan.

Inusig daw siya ng konsensiya kaya siya sumuko.

Sabi umano ni Cajepe sa mga awtoridad, "Akala ko ay magnanakaw lang kami ng mga kasamahan ko pero dahil nakilala sila ng mga biktima ay pinatay nila 'yung tatlo."

BASAHIN: Sumukong 'person of interest,' itinuro ang nasa likod daw ng pagpatay sa 2 nursing grads at student

Batay sa pahayag nang naunang sumuko na si Singkol, na umamin na kasama sa nagplano sa krimen, si Cajepe umano ang pumatay sa tatlong biktima.

"Sinasabi nitong si Anselmo (Singkol) na si Ronron (Cajepe) ang responsable sa pagpatay dito sa tatlo. In fact narinig pa nga daw niya na humingi ng tulong si Glydel, pero it seems na alam talaga niya na gagawin ni Ronron yung napag-usapan nila kaya na-consummate yung crime," sabi ni Police Colonel Dario Menor, hepe ng Caloocan Police, sa nakaraang ulat.

Maliban kay Anselmo, naging person of interest din sa kaso ang mga kapatid niyang sina Alden at Adonis Singkol.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Caloocan police si Cajepe.

Lumilitaw na paghihiganti ang motibo ng mga suspek sa pagpatay sa mga biktima dahil pinaalis sila sa trabaho sa ipinapagawang bahay dahil nabisto umanong pinapatungan nila ang gastusin sa konstruksiyon ng bahay at may nahuli pang nagdodroga.-- FRJ, GMA News.