Isa ang nasawi, habang siyam na iba pa ang sugatan nang banggain ng isang AUV ang ilang motorsiklo at iba pang sasakyan sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City nitong Martes. Ang suspek, kinuyog ng mga tao.
Sa panayam sa "Dobol B sa News TV," sinabi ni Taguig City Police chief Police Colonel Celso Rodriguez, na sinabihan siya ng mga kaanak ng biktimang si Christian Dalisay, na binawian na ito ng buhay.
"Yung isa (sa biktima) ay pumanaw na kanina, si Christian Dalisay. 'Yung dalawa pa ay conscious naman sa Taguig-Pateros Hospital. Kami ay nakikiramay sa pamilya ng biktima, nakakalungkot nga," ayon kay Rodriguez.
Umabot sa 14 sasakyan na kinabibilangan ng limang kotse, isang bisikleta at walong motorsiklo ang binangga ng AUV na minamaneho ni Conrad Frank Toledo, company driver.
"'Yung iba naman hindi naman nasaktan kasi sila 'yung nasa pinaka-likuran kasi kung titingnan natin, sunod-sunod kasi, medyo traffic doon sa lugar kaya lang parang nagkaroon ng domino effect," ayon kay Rodriguez sa hiwalay na panayam sa telepono.
Sa video ng GMA News TV "QRT", makikita na unang nabangga ni Toledo ang ilang motorsiklo at isang AUV. Pero nagtangka siyang tumakas at muling nakabangga ng iba pang sasakyan hanggang sa masukol siya ng mga tao.
Ayon kay Rodriguez, sinabi ni Toledo, na nakatingin umano siya sa cellphone habang nagmamaneho sa bahagi ng PAE-DOST nang makabangga ng mga sasakyan.
"Hindi naman siya nakainom, siyempre company driver, although sinasabi niya nataranta lang siya pero ang totoo niyan 'yung cellphone tinitingnan niya at nagulat na lang siya may nabangga na pala siya. Sa taranta niya, gusto niyang tumakas so ganoon kadami ang nainvolved na sasakyan," pahayag ng opisyal.
"Noong nagtangka siyang tumakas, nataranta na siya, doon mayroon na naman siyang naatrasan so nagkaroon na naman ng domino effect doon sa likuran..." patuloy ni Rodriguez.
Nasa presinto na si Toledo na mahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries with multiple damage to property and homicide.—FRJ, GMA News