Isang babae ang nag-shopping gamit umano ang nakaw na credit cards, ayon sa ulat ni Mark Salazar sa Unang Balita nitong Biyernes.
Umabot daw sa mahigit P71,000 ang nagastos ng babae gamit ang mga credit card na nananakaw sa may-ari nito sa loob ng isang exclusive membership grocery sa Congressional Avenue, Quezon City, nitong Sabado.
Lima raw ang credit cards ang nakuha ng magnanakaw sa biktima.
Bandang 3 p.m. naganap ang pagnanakaw. Base sa records, bandang 6 p.m. unang matagumpay na nagamit ang isa sa credit cards. Umabot sa mahigit P25,000 ang nagastos ng suspek.
Matapos ang ilang minuto, nakabili ang suspek ng mikropono sa halagang P14,200. Ilang saglit pa ay mamahaling damit naman ang binili ng magnanakaw sa halagang P8,865.
Kita sa CCTV na pirma lang nang pirma ang magnanakaw tuwing may bibilhin siya.
Reklamo ng asawa ng biktima, tila hindi tinignan maige ng mga kahera kung pareho ang pirma na nasa credit card sa pirma ng magnanakaw.
Ganap na 7:03 p.m. naman nang bumili ang magnanakaw ng plates ng dumbbell sa halagang P6,600 gamit pa rin ang nakaw na credit cards. Pagkatapos nito, nag-grocery naman siya at umabot ng P16,586.
Sa kabuuan, umabot ng P71,796 ang nagastos ng magnanakaw.
Naganap ang lahat ng ito bago pa naipa-block ng may-ari ang mga nanakaw niyang credit card.
"Si misis, andaming proseso kaniyang pagdadaanan tapos marami ka pang isasagot bago ma-process. Ipa-process pa lang, hindi pa talaga maba-block," hinaing ng asawa ng biktima
Bukod sa credit cards, isang mamahaling wallet at ilang government IDs din ang nawala sa biktima.
Aabot daw ng 60 hanggang 100 araw bago maglabas ng desisyon ang mga bangko kung tatanggapin ang kuwento ng biktima o siya pa rin ang magbabayad sa mga nagastos ng magnanakaw.
Nagsumbong na sa pulis ang biktima. Ang pagasa na lang niyang manalo ay kung may makakakilala sa dimple sa braso ng suspek na nakita sa CCTV. —KBK, GMA News