Arestado ang isang lalaking nangholdap umano ng isang tindahan sa Quezon City matapos magpanggap na bibili ng leche flan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Noong una ay umorder lang daw ng tatlong leche flan ang suspek na si Aldrin Pemanuel sa tindahang matatagpuan sa Commonwealth Avenue. Nakipagkuwentuhan pa raw ito sa tindera bago umalis.
Ngunit nang malapit nang magsara ang tindahan ay bumalik daw si Pemanuel. Nag-alok pa raw ito na tumulong sa paglalabas ng basura bago nagdeklara ng holdap gamit ang isang kutsilyo.
"Sabi ko [sa kaniya], huwag mo na akong galawin, kunin mo nang lahat," salaysay ng tindera.
Natangay ang halos P4,000 na kita ng tindahan at dalawang cellphone.
Agad naman nakahingi ng tulong ang biktima kaya nasundan at nahuli si Pemanuel.
Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen. Aniya, natanggal siya sa trabaho bilang security guard dahil sa pandemya kaya siya nag-sideline na magbenta ng isda. Yun nga lang naubos din daw ang puhunan niya kaya siya nang-holdap.
"Wala na akong maipakain eh, wala na akong pambuhay sa sarili ko at sa mga bata. Hindi ako binayaran ng kapatid ko sa pampuhunan ko po," aniya.
Nabawi mula sa suspek ang isang patalim. Nahaharap siya ngayon sa reklamong robbery. —KBK, GMA News