Tatlong nursing student, kabilang ang dalawang babae, ang pinatay sa saksak sa loob ng tinutuluyang bahay na ipinapagawa sa Caloocan City. Ang mga person of interest sa krimen, mga construction worker.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, natagpuan ang duguang bangkay nina Glydl Belonio, Arjay Belencio, at Mona Habibolla, sa ipinapagawang bahay sa Amparo Subdivision sa North Caloocan.
Magpinsan sina Belonio at Belencio, habang si Habibolla naman ay kaibigan nila na nakitulog lamang sa bahay.
Nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang mga kitchen knife na ginamit sa krimen.
Sa apat na persons of interest ng pulisya, tatlo ay magkakapatid na construction worker, na kabilang sa mga nagtatrabaho sa ginagawang bahay.
Dalawa sa mga persons of interest ay hawak na ng pulisya habang dalawa naman ang hinahanap pa.
Ayon sa pulisya, natanggal mula sa trabaho ang isa sa mga suspek dahil kay Belonio.
“Nahuli niya itong si Bingbing Sarmiento na bumabatak ng shabu and with that, tinanggal si Bingbing sa construction a week before nangyari ‘yung crime,” ayon kay Police Colonel Dario Menor, hepe ng Caloocan police.
Dagdag ng hepe, nanggaling din sa bahay ng mga biktima ang kutsilyong ginamit sa krimen.
“Ang tinitingnan naming entry nila dito ay nasa likod, sa kusina, na kung saan baka doon na rin nila nakuha ‘yung mga kutsilyo na ‘yun, mga kitchen knife,” ani Menor.
“At meron pa rin kaming na-rekober na isang kitchen knife saka ‘yung isang basahan na may mga dugo. It seemed na parang pinunas, pinagpunasan ng dugo. [Ang] nakaka-access lang doon sa construction site ay ang mga construction boy,” dagdag pa nito.
Pagnanakaw ang isa sa mga motibong iniimbestigahan ng awtoridad.
“Ang nawawala po doon ay ang dalawang ATM. Doon po pinapasok ‘yung pampasahod weekly,” ayon kay Menor.
Gayunman, tinitingnan din ng mga awtoridad ang iba pang motibo ng mga salarin.
“Kasi kung pagnanakaw, pati sana ‘yung mga cellphone. Ine-establish po natin ‘yung ibang angle pa,” ayon pa kay Menor.
Labis ang paghihinagpis ng mga kamag-anak na biktima na nalaman lang na nasawi ang mga ito nang matagal na silang hindi sumasagot sa mga tawag.
“Gusto ko pong mabigyang katarungan ‘yung pagkamatay ng anak ko. Kung sino ka mang gumawa nito sa anak ko, lumantad ka. Dahil sa oras na hindi ka lumantad, karma ang aabot sa’yo,” ani Rosemarie Belonio, ina ni Glydyl.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News