Nahaharap ngayon sa patung-patong na reklamo ang isang Egyptian matapos magwala at manakit ng pulis sa Malate, Maynila.
Iniulat ni Jonathan Andal nitong Sabado ng umaga sa Dobol B sa News TV na inaresto ng mga tauhan ng Malate Police Station ang dayuhan matapos itong magwala sa kanyang condo unit at lumaban pa sa mga pulis.
Egyptian national na nagwala sa kanyang condominium unit at nanakit pa ng pulis, naaresto sa lungsod ng Maynila. | via @JonathanAndal_ pic.twitter.com/ddhdMj9Dr4
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 26, 2020
Batay sa ulat ng mga pulis, nagsisisigaw ang banyaga sa kanyang condo unit dahilan upang magreklamo ang mga katabi nitong units.
Ayon sa mga nakasaksi, binasag pa ng 36-anyos na Egyptian ang bintana ng kanyang condo at inihulog pa ang binasag niya sa Ocampo Avenue na dinadaanan ng maraming tao at mga sasakyan.
Nang dumating ang mga pulis nagkulong sa kanyang unit ang suspek, ngunit tuloy pa rin umano ang pagwawala nito.
Hanggang dumating ang kaibigan nito at nakumbinseng sumama sa mga awtoridad.
Pero nang makababa sa elevator, at arestuhin na siya, tinangka pa umano nitong tumakas. Mabuti na lamang umano at nahawakan siya ng isang pulis sa kamay.
Ngunit sinunggaban ng suspek ang pulis na nagtamo ng sugat sa leeg.
Nahaharap sa patung-patong na reklamo ang suspek, kabilang na ang direct assault, alarm and scandal, resisting arrest, at malicious mischief. —LBG, GMA News