Sa kulungan ang bagsak ng dalawang Cameroonian na mga sangkot umano sa "black dollar" scam o paggawa ng pekeng dolyar sa isang entrapment operation sa Parañaque City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, makikita ang aktuwal na pag-aresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Organized Crime Unit sa dalawang suspek.
Ngunit malalaki ang pangangatawan ng mga dayuhan at pumapalag kaya may kahirapan sa pagdakip sa kanila ang arresting team.
Ayon sa ulat, ang black dollar scam ay isang uri ng panloloko kung saan gumagawa ng pekeng dolyar ang mga sindikato saka ibebenta sa mga bibiktimahin na nais mag-invest sa kanila.
"'Yung isang dollar lalagyan nila ng film at pagkatapos po nilang punasan ng isang kemikal na tinatawag nilang 'Vitamin C,' nagre-replicate po ang dollar. 'Yung isang dollar nagiging tatlo," sabi ni Police Staff Sergeant Michael Camillo, Investigator ng CIDG-AOCU.
Sinabi ng CIDG na P2 milyon ang huling natangay ng mga suspek sa isang biktimang tumanggi nang humarap sa camera.
"I don't know these things," sabi ng suspek na si Oscar Jang.
"'Pagka po tayo ay inalok ng mga ganiyan, at alam natin ang pera ay hindi naman nanggaling sa mga bangko na dapat na mapagkuhanan niyan, isipin niyo na po, scam po ito," babala ni Camillo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News