Naging usap-usapan online ang isang "surprise" birthday party para sa isang opisyal sa Zamboanga dahil ginawa umano ito ilang araw matapos na may magpositibo sa COVID-19 sa kanilang opisina.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita ang mga larawan ng pa-party para kay Zamboanga City Special Economic Zone and Freeport Authority chairman Raul Regondola, na ginawa apat na araw matapos magpositibo sa virus ang isa nilang empleyado.
Nagpaliwanag naman si Regondola tungkol sa mga alegasyon na nilabag nila ang patakaran na bawal ang mass gathering.
"Hindi pa rin 'yun mass gathering kasi workplace 'yun eh, trabaho 'yun. May trabaho kami nu'n, that is Thursday, paano naging mass gathering 'yun?" depensa ni Regondola.
Sinabi pa ni Regondola na sinorpresa lang siya ng mga empleyado at nasunod naman daw ang health protocols tulad ng social distancing.
Matapos din daw ng pagdiriwang, boluntaryong nag-isolate daw si Regondola.--Jamil Santos/FRJ, GMA News