Nagkainitan ang ilang pasahero ng bus kung sino sa kanila ang dapat na bumaba matapos na makita ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na hindi nasusunod sa sasaktan ang isang metrong distansiya ng mga pasahero na bahagi ng health protocol laban sa COVID-19.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, pinababa ng mga operatiba ng HPG ang mga pasahero nang aktuwal nilang sukatin ang layo ng mga pasahero sa bawat isa at makitang hindi nasusunod ang one meter distancing.
Kaya para masunod ang itinatakdang physical distance, kinalangang magbawas ng pasahero ang bus pero hindi naging madali ang pagpili kung sino ang dapat na bumaba.
Ang isang pasahero, iginiit na dapat bumaba ang huling mga sumakay dahil sila ang naunang pasahero.
Pero nag-aalangan ang iba na bumaba dahil naghahabol sa oras ng kanilang pagpasok sa trabaho.
Dahil dito, hindi napigilan ng ilang pasahero na magreklamo.
“Sana nag announce muna kayo kasi paano yung may mga trabaho po kami… sa tingin mo lalakarin ko hanggang doon,” ayon sa isang pasahero.
Kabilang sa mga apektado ng mahigpit na patakaran sa one meter distance ng mga pasahero ang mga ordinaryong bus na alanganin ang sukat ng mga upuan.
Lumalabas na isa lamang ang dapat nakaupo sa kada silya upang maisagawa ang isang metro na physical distancing.
“Apektado po kaming lahat. Kahit po ‘yung mananakay mahihirapan po sila,” anang konduktor.
Kamakailan lang, inaprubahan ang isang mungkahi na bawasan na ang distansya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan na mula sa isang metro ay gagawin na lamang 0.75 na metro simula sa Setyembre 14.
Kung natupad ang plano, babawasan muli ito sa 0.5 matapos ang dalawang linggo, at sa 0.3 na metro matapos ang susunod na dalawang linggo.
Subalit nitong Huwebes, inihayag ng Palasyo na hindi na muna ipatutupad ang plano at mananatili sa one meter ang distansiya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News