Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa bubungan ng isang bahay sa Caloocan City na umano'y binaril. Ang may-ari ng bahay, sinabing may nadinig silang kalabog ilang araw na ang nakalilipas pero hindi nila pinansin dahil inakalang pusa lang.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay kaninang 10:00 am sa isang bahay sa Phase 8-A Bagong Silang, Caloocan.
Nakilala kinalaunan ang bangkay na si Paul Martin Camballa Millanes, 22-anyos, at residente ng karatig na Phase 1.
Ayon kay Caloocan Police Chief Colonel Dario Menor, naaagnas na ang bangkay ni Millanes, na palatandaang ilang araw na itong nasa bubungan.
Sinabi naman ng may-ari ng bahay na may narinig silang kalabog sa kanilang bubungan noong mga nakaraang araw pero hindi nila pinansin.
"Noong Lunes ng gabi, may bumagsak, hindi namin pinansin kasi akala namin pusa lang. Tapos kanina may nakakita sa bubong namin na may tao nga raw, patay," kuwento ni Riena Sison, may-ari ng bahay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na binaril ang biktima.
Ayon kay Sison, may nadinig sila noon na tatlong putok pero hindi nila alam kung saan nanggaling.
Inihayag naman ng ilang residente na hinabol ang biktima ng mga nakamotorsiklo hanggang sa umabot ito sa isang eskinita at umakyat ng bakod.
"Nakarinig sila ng tatlong putok, 'yun lang po. Tapos nagsitakbuhan 'yung mga hinahabol nila," ayon sa residenteng si Benjamin del Rosario.
Hinahanap na ngayon ng mga awtoridad ang sinasabing humabol sa biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News