Pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang taon ang state of calamity sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Proclamation 1021 na pinirmahan ni Duterte noong Miyerkules, nakasaad na tatagal ang state of calamity hanggang sa September 12, 2021, "unless earlier lifted or extended as “circumstances may warrant.”
Unang idineklara ang state of calamity noong Marso na may bisa ng hanggang anim na buwan at magtatapos sana ngayong linggo.
Sa pamamagitan ng ginawang pagpapalawig ng state of calamity, sinabi ng pangulo na mabibigyan ng pagkakataon ang pamahalaang nasyunal at lokal na magamit ang kaukulang pondo para tugunan ang mga pangangailangan kaugnay sa nagaganap na pandemya.
Magagamit din ang naturang hakbang para masubaybayan ng pamahalaan at makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ngayon, umaabot sa 279,526 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, kabilang ang 208,790 na pasyenteng gumaling at 4,830 na nasawi. --FRJ, GMA News