Mananatili sa isang metro ang distansiya ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan habang wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung dapat na itong bawasan, ayon sa Malacañang.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, inihayag ito ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa ginanap na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) nitong Huwebes.
“Pansamantalang isususpinde ang implementasyon ng 0.75 [meter] na distancing sa mga pampublikong transportasyon at ibabalik po ito sa one meter,” sabi ni Roque sa televised briefing.
Posible umanong magdesisyon si Duterte sa naturang usapin sa Lunes.
Ayon pa kay Roque, ayaw umanong madaliin ni Tugade ang pangulo na magbigay ng pasya tungkol sa planong ibaba ang "physical distance" sa mga pasahero para madagdagan ang mga sasakyan sa mga pampublikong sasakyan.
“Kung i-implement ‘yan parang it becomes urgent, the President must act on it right away. So sabi niya, ‘to give the President all the time that he needs to study the matter, balik muna tayo sa one meter and until he says so we will not implement the 0.75,’” paliwanag ni Roque.
Una rito, inihayag ng DOTr na ibaba sa 0.75 meters ang pagitan ng mga pasahero simula sa September 14. Pagkaraan ng dalawang linggo, ibababa muli ito sa 0.5 meters, at pagkaraan muli ng dalawang linggo ay magiging 0.3 meters na lamang.
Pero kontra ang mga opisyal ng Department of Health at Department of Interior and Local Government sa plano dahil sa pangambang malalagay sa panganib ang mga pasahero kung babawasan ang distansiya nila sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi rin ng Metro Manila Council, na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila na hindi sila kinunsulta ng DOTr tungkol sa naturang usapin ng pagbawas ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan.
Gayunman, naniniwala ang ilang eksperto tulad nina dating Health secretaries Manuel Dayrit at Esperanza Cabral, na may basehan na maaaring ipatupad naman ang unti-unting pagbawas sa physical distancing inside sa mga pampublikong sasakyan. —FRJ, GMA News