Ipinasa ng Senado nitong Lunes sa botong 22-0 ang Medical Scholarship Act o Doktor Para Sa Bayan bill, na layuning suportahan ang pag-aaral ng mga mahihirap pero kalipikadong mag-aaral na nais kumuha ng medical education.
Sa Senate Bill 1520, nais ng mga mambabatas na sagutin ng pamahalaan ang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, libro, at pagkalooban ng allowance at iba pa ang mga kalipikadong medical students.
“This measure comes at the most opportune time as our country continues to battle against the devastating health impacts of COVID-19. This law will help the healthcare system sector to be better prepared for similar health emergencies in the future,” ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Si Sen. Joel Villanueva, pangunahing may-akda ng panukala, inihayag ang pangangailangan ng naturang panukalang batas lalo pa't siyam lang umano ang public medical schools sa bansa. At kabila din umano ang Pilipinas sa mga bansang mahal ang medical education.
“We are at war and the doctors are the combatants. Just as we train soldiers in peace time, so must we train more in times of war. So, let it be now, with doctors and physicians,” pahayag ni Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.
“Ngayon po, kahit sinong Pilipino, anuman ang antas sa buhay, kaya nang tuparin ang pangarap na maging doktor,” dagdag ng senador.
Si Sen. Sonny Angara, sinabing dapat bigyan din ng pagkakataon ang mga mahihirap na estudyante na nais maging doktor at makapagsilbi sa bayan.
“We believe that our underprivileged but deserving students, who wish to provide for a better life for their families and to serve the country and its people as physicians, should be given the opportunity to do so. Because it is through their dedicated service that our healthcare system becomes more resilient, and gains a better chance of withstanding any pandemic,” pahayag niya.
Kapalit ng libreng medical education ang kondisyon na dapat magsilbi muna sa bansa ang mga estudyante kapag nakapagtapos na sila at nakakuha ng professional license.
Ayon kay Sen. Ronald Dela Rosa, makatutulong ang panukala para madagdagan ang bilang ng mga doktor sa bansa lalo pa't anim sa 10 Filipino umano ang namamatay nang hindi man lang nakakakita ng doktor.
“Katulad ng iba nating mga kababayan, ang aking pamilya po ay nakaranas din ng pagdadalamhati noong binawian ng buhay ang aking dalawang musmos na kapatid dahil sa pangkaraniwang sakit nang hindi man lamang nakapagpa-doktor. Isa po ang aming barangay noon ang hindi naabot ng doktor, ang Barangay Bato, Sta. Cruz, Davao Del Sur,” ayon sa senador.
“Under this bill, we will be helping and encouraging those students who were born into a painful situation of them having dreams, yet not having the resources to turn those dreams into reality. We are offering a chance for our poor but deserving students to reach their goal to become doctors,” dagdag niya.— FRJ, GMA News