Isang bata sa Maynila ang nanakawan ng bisikleta matapos umanong pangakuan ng Xbox at cake ng suspek na 51-anyos, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Trauma raw ang inabot ng biktimang may edad 11 taon dahil sa pangyayari.
"Kinausap yung bata, sabi bibigyan siya ng Xbox atsaka bibigyan siya ng cake para sa birthday ng lola niya. Itong bata madaling napaniwala," sabi ni Police Corporal Val Valencia ng Sampaloc Police.
Mula Sampaloc, pinasunod daw ng suspek na si Rodennis Garcia, na naka-bike din, ang bata hanggang sa Recto Avenue kung saan niyaya niya itong kumain sa isang fastfood restaurant.
Nang tumangging kumain ang bata, dinala siya ng suspek sa Navotas kung saan ito nakatira.
"Iniwan ng suspek yung bike niya [sa bahay niya], so ang ginamit na pabalik yung mountain bike na ng bata," ani Valencia.
Angkas ang biktima, pumadyak ang suspek pabalik ng Maynila. Nang makarating sa R. Papa Street ay ibinaba niya ang bata at inutusang bumili ng plastic bag para paglagyan daw ng ibibigay niyang Xbox.
Doon na iniwan ng suspek ang bata at tinangay ang mountain bike nito.
Ayon sa ama ng bata na si Noah Trinidad, naging balisa ang kaniyang anak matapos ang insidente.
Na-contact lamang ng bata ang pamilya niya nang manghiram siya ng cellphone sa isang kagawad. Agad namang nag-report ang pamilya sa pulisya, dahilan para mahuli ang suspek.
Nabawi mula sa suspek ang bike na nagkakahalaga ng P10,000. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag bagama't humingi siya ng paumanhin sa biktima at pamilya nito. —KBK, GMA News