Sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, dalawang insidente ng pagnanakaw ng bisikleta ang nahuli sa CCTV footage sa Manila.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sa isang CCTV footage na in-upload ni Roselle Abajo sa social media, makikita na kinakandado ng kanyang anak ang bisikleta nito sa railing bago pumasok sa restaurant.

Makalipas ang ilang sigundo, may dumating na nakasombrerong lalaki na kinalas ang lock at tinangay ang bisikleta.

Hindi matanggap ni Abajo ang pagkakawala ng kaniyang bisikleta na gamit niya sa online selling at delivery matapos matigil ang kaniyang trabaho bilang Zumba instructor dahil sa pandemya.

“Sobrang bilis lang, mga siguro, one second lang talaga ‘yung paghawak niya ng bike. Saglit lang. Pag-kwan niya siguro, ganon agad, alis agad,” ani Abajo.

Noong gabi ng September 1, tatlong lalaki naman ang nahuli sa CCTV footage na kinukuha ang bike ng isang residents sa Barangay 801 sa Maynila. Makikita rin na sumakay ang tatlo dito.

Nag-payo naman ang Manila Police District na bumili ng magandang lock o kaya naman mag bilin sa gwardya kung magpa-park o ilagay sa lugar kung saan ito makikita.

Samantala, kung sa bahay naman ito ilalagay, huwag raw ito iwan sa labas ng bahay o sa lugar kung saan kita ito mula sa labas. Inabisuhan rin ng MPD ang publiko na maging mapagmatyag. — Joahna Lei Casilao/DVM, GMA News