Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na pinagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon ang sundalong Amerikanong si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, na naunang hinatulan ng korte na makulong dahil sa pagpatay sa isang transgender Filipino woman noong 2014.
"Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control—and to do justice—the President has granted an absolute pardon to Pemberton. Here at the Palace," saad ni Locsin sa Twitter post.
Kinumpirma naman ni presidential spokesperson Harry Roque ang naturang desisyon ni Duterte.
“Binura na po ng Presidente kung ano pa ‘yung parusa na ipapataw kay Pemberton,” ani Roque, na naging legal counsel noon ng pamilya ng biktimang si Jennifer Laude's family.
“Puwede na po siyang umuwi dahil meron na po siyang pardon,” dagdag ni Roque.
Ayon pa kay Roque, hindi na kailangan ipaliwanag pa ni Duterte ang kaniyang dahilan sa pagbibigay ng pardon kay Pemberton.
“Hindi na po kinakailangan bigyan ng dahilan ng Presidente ‘yan dahil 'yung pag-grant ng pardon at parole at iyan naman po ang ating sinasabi na hindi po ‘yan katungkulan ng hudikatura kundi katungkulan ng ehekutibo,” paliwanag niya.
Nitong nakaraang linggo, inutos ng Regional Trial Court ng Olongapo City ang maagang pagpapalaya kay Pemberton, na nahatulang mabilanggo ng anim hanggang 10 taon dahil sa pagpatay kay Laude.
Limang taon pa lang nakakulong si Pemberton, pero inirekomenda ang maaga niyang paglaya dahil sa good conduct time allowances (GCTA), ayon kay Judge Roline Ginez-Abalde.
Gayunman, tinutulan at umapela sa utos ng korte ang pamilya ni Laude. Dahil dito, ipinagpaliban ng Bureau of Corrections ang pagpapalaya kay Pemberton habang hindi nareresolba ang petisyon.
Plano rin sana ng Department of Justice na maghain ng mosyon sa Olongapo court kaugnay sa rekomendasyon nito na maagang palayain si Pemberton.
Pero dahil sa ibinigay na pardon ni Duterte, sinabi ni Roque na hindi na magiging hadlang ang pagkuwestiyon sa GCTA para makalaya si Pemberton.
“Wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA. Wala na pong issue kung applicable ba sa kanya ang batas dahil hindi siya nakulong sa national penitentiary,” sabi ni Roque.
“Ang hindi po nabura ng Presidente, ‘yung conviction ni Pemberton. Mamamatay-tao pa rin po siya.” — FRJ, GMA News