May P71.4 bilyon na pondong inilaan sa kontrobersiyal na Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa ilalim ng panukalang national budget sa 2021, ayon kay Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Defensor na nananatili rin ang pondong nakalaan sa PhilHealth sa kasalukuyang 2020 General Appropriations Act.
Bukod sa pondong nakukuha sa pamahalaan, may nakokolekta rin na mahigit P100 bilyon ang PhilHealth mula sa kontribusyon ng kanilang mga miyembro, ayon kay Defensor.
Umaasa ang kongresista na magiging maayos ang pangangalaga sa pondo ng bagong pinuno ng PhilHealth na si Dante Gierran.
"The subsidy is used mainly to cover non-contributory Filipinos like the poor, those without jobs and senior citizens. That is the mandate of the Universal Health Care Law,” saad niya.
Iginiit din ni Defensor na dapat alisin na ng PhilHealth ang package rates at ang interim reimbursement mechanism, na tinawag niyang "root of all evil and corruption in Philhealth."
Si Defensor, chairman ng House Committee on Public Accounts, ay isa dalawang komite na nagsasagawa ng pagdinig tungkol sa alegasyon ng mga katiwalian sa PhilHealth. --- FRJ, GMA News