Sa pag-upo bilang pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), sinabi ni Dante Gierran na pinayuhan siyang mag-ingat sa bago niyang tungkulin dahil parang "lungga ng mga ahas" ang ahensiya.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ni Gierran, dating pinuno ng National Bureau of Investigation (NBI), na hindi madaling labanan ang katiwalian.
“Hindi naman ganun kadali. The good thing with this, there are five units in NBI investigating right now. These units, these people used to be under me. I know them,” saad ng opisyal.
“Because I do not know PhilHealth, sabi ng iba if you're assigned in PhilHealth, it is as if you are being thrown into a snake pit. Ang sabi, tutuklawin ka ng ahas doon,” patuloy niya.
Kailangan umanong maging pamilyar muna siya sa mga taong makakatrabaho niya sa ahensiya.
Nitong Lunes lang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Gierran ang papalit sa nagbitiw na PhilHealth president na si Ricardo Morales dahil sa isyu ng kaniyang kalusugan.
Naganap ang pagbibitiw ni Morales sa panahon na nahaharap sa alegasyon ng katiwalian ang ahensiya.
“Ang Presidente mismo parang nagmamakaawa na tanggapin mo ito. Tulungan mo ako. Ang natira na two years na lang sa akin ay gagawin ko ito na para lalaban ang kurapsyon,” kuwento ni Gierran.
Hindi umano madaling tanggihan ang pangulo at tinanggap niya ang trabaho dahil ang mga Filipino umano ang nakikinabang sa PhilHealth.
“This is my PhilHealth. This is the PhilHealth of my children. This is the PhilHealth of my relatives. This is the PhilHealth of the Filipino people,” paliwanag niya.
Kabilang sa direktiba ni Duterte ay linisin ang hanay ng regional vice presidents at burahin ang katiwalian sa ahensiya.
Kinumpirma naman nitong Martes ni presidential spokesperson Harry Roque na nais ni Duterte na balasahin ang regional vice presidents ng PhilHealth.
Kabilang naman sa mga taktikang gagawin umano ni Gierran sa pagtugon sa mga tiwali sa ahensiya ay pagsasampa ng kaso o paghiya sa mga ito.
“Kapag may kakasuhan ka, kasuhan mo. Number two, hiyain mo d'un sa flag ceremony. Papangalanin mo ang pangalan. Number three, ilipat mo doon sa lugar na hindi niya gusto,” paliwanag niya.
Bukod sa paglaban sa katiwalian, nais din daw ni Gierran na alamin ang natitirang pondo ng PhilHealth.
“Alamin natin kung magkano pa ang perang natira sa PhilHealth. I can do that because I am not only a lawyer, I am also an accountant. Tingnan natin kung magkano pa ang pera,” sabi niya.—FRJ, GMA News