Binawian ng buhay sa ospital ang isang babaeng siyam na taong gulang matapos siyang matuklaw ng ahas sa loob ng kanilang bahay sa San Carlos City, Pangasinan. Ang biktima, nagsusukat ng unipormeng gagamitin sa pasukan ng klase nang mangyari ang trahediya.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rea Dela Cruz, incoming grade 4 pupil sana sa darating na pasukan.

Hirap ang ama ng biktima na matanggap ang biglang pagpanaw ng kaniyang anak.
Ang ina naman ni Rea, sinabing excited na ang anak sa pagsisimula ng klase at nagsusukat ng uniporme ang bata nang biglang sumulpot ang ahas at natuklaw siya sa binti.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan.

Hindi pa malaman kung anong uri ng ahas ang nakatuklaw sa bata dahil hindi pa ito nahuhuli.--FRJ, GMA News