Para maiba, nilagyan ng iba't ibang disenyo ang ilang face shield na mabibili sa online at maging sa mga pamilihan. Ang ilan sa mga ito, anime, Marvel, at Ariana Grande inspired.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ng advertising graduate na si Jem Uy II, ang kaniyang Naruto-inspired face shield.
Hindi raw niya inasahan na marami ang tatangkilik nito.
"Pinost ko po ito sa social media na grupo at laking gulat ko po kasi ang dami pong tumangkilik dito," ayon kay Uy.
Proud-Pinoy din si Joco Comendador na nagdisenyo naman ng face shield na may rabbit ears na inspired naman daw ni Ariana Grande.
"Para naman kakaiba 'yung face shield ko sa ibang face shield na binebenta online and sa market. 100% locally made ito, gawa ito ng aking mga artisans back in Marikina," saad ni Comendador.
Mayroon ding face shields na tila maskara ni Iron Man, Captain America at Spider-Man. Hindi rin mawawalan ang mga Star Wars fan dahil sa mga face shield na ang disenyo naman ay Darth Vader at Stormtrooper.
May mabibili ring face shield sa Divisoria market sa Maynila na cartoon character inspired naman gaya nina Doraemon at Hello Kitty.
Pero pasado naman kaya ang mga ito sa itinatakda ng mga awtoridad?
"Base sa guidelines ng IATF, through the Department of Health (DOH), 'yung face shield kasi dapat covered niya ito talagang face natin hanggang sa chin. Ito kasi additional protection ito," ayon kay JTF Chief COVID Shield Chief Lieutenant General Guillermo Eleazar. --Jamil Santos/FRJ, GMA News