Laking gulat at nanlamig ang isang senior citizen nang matuklasan niyang patay na siya batay sa talaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nalaman ni Efren Aguilar ang kaniyang "pagkamatay" nang samahan niya ang kaniyang kasambahay na magpa-laboratory test sa isang ospital noong Agosto 21.
Bilang employer ng kasambahay, sinulatan niya ang information sheet ng ospital at kasama niyang inilagay ang kaniyang PhilHealth number.
Doon na sinabi sa kaniya na namatay na siya noong Setyembre 15, 2016 batay sa talaan ng PhilHealth.
“Actually nanlamig ako no’ng sinabing ‘Patay na kayo’ e. Wala akong nasabing words siguro no’ng mga first few minutes noong pagkabigay sa’kin no’ng papel,” sabi ni Aguilar.
“Sabi ko, ‘Bakit nagka gano’n?’ Tinatanong ko sarili ko, ‘Ilan kaya kami na ginanito? Hindi lang siguro ako nag-iisa, marami kami nito,’” dagdag niya.
Huli raw nagamit ni Aguilar ang kaniyang PhilHealth benefits noong 2012.
“Balak ko talaga magpunta ng PhilHealth para ayusin ‘to kasi anytime, lalo na at my age, I’ll be needing my PhilHealth, ‘di ba?” pahayag pa niya.
Humingi naman ng paumanhin ang PhilHealth kay Aguilar nang malaman ang nangyari.
“Una, humihingi kami ng paumanhin kay Mr. Aguilar sa naging pagkakamali sa kaniyang record,” ayon kay PhilHealth corporate communication senior manager Rey Balena.
“Ang nangyari po ay maaaring may nagkaroon ng pagkakamali sa tagging ng data… Maaari din na encoding error ‘yan. Ano’t anuman, mayroon tayong paraan at solusyon para maitama ‘yan,” pagtiyak niya.
Hinikayat din ni Balena ang iba pang PhilHealth member na ipaalam sa kanila kung may pagkakamali sa kanilang record.--FRJ, GMA News