Maaring tanggihan ng public utility vehicles (PUVs) ang mga may edad 20 pababa at mga senior citizen, ayon sa Department of Transportation.

Iniulat ng "Unang Hirit" nitong Biyernes na sinabi ng DOTr na ang mga may edad 20 pababa at mga senior citizen ay dapat mamalagi lamang sa bahay, batay sa mga alituntunin sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ayon umano kay DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, bawal naman talaga ang mga nabanggit na age groups na lumabas sa bahay, maliban na lamang kung kinakailangan.

Ngunit, exempted naman umano ang mga sumusunod: ang mga nagtrabaho, bibili ng pagkain, at magpunta sa ospital. —LBG, GMA News