Hindi lang sa Pilipinas nagiging malaking pagsubok ang online class sa bahay sa layuning maprotektahan ang mga estudyante sa COVID-19 pandemic. Sa Los Angeles, California, nagtitiyaga ang tatlong magkakapatid na makakonekta sa nag-iisang phone "hotspot" ng kanilang ina para makadalo sa kani-kanilang online classes.
Sa ulat ng Reuters, ikinuwento ni Annalie Solis na bukod sa mga gawaing bahay, siya na rin ang nagsisilbing guro para sa kaniyang mga anak.
Ang kanilang hapag kainan sa maliit na kusina ang nagsisilbing classroom para sa online classes ng mga bata.
Dahil sa hindi nila kayang magbayad pa sa internet, sabay-sabay na kumokonekta ang mga bata sa "hotspot" sa cellphone na ginagamit ni Annalie.
Unable to afford an internet connection, this mother's kids use a single phone hotspot to attend their online classes pic.twitter.com/gnaftrtGAi
— Reuters (@Reuters) August 20, 2020
Malaking pagsubok din sa mga bata ang makapag-concentrate sa pag-aaral dahil magkakatabi sila sa lamesa at hindi maiwasan na madinig nila ang diskusyon sa klase ng isa't isa.
"Since it's me, my sister and my brother, we usually have videos to watch so it's hard because someone could be using up the internet a lot while we are struggling to use it," sabi ng 13-anyos na si Kylie.
Ayon kay Annalie, na isang stay-at-home na nanay, mahirap sa kaniya ang bago nilang buhay sa panahon ng pandemic. Mapalad siya na nakakuha ang mga anak ng kani-kanilang laptop.
"I struggled with the schools in order for them to give us laptops. We have to pay rent, bills, food. We don't make enough money to pay $80 to $100 for internet. I can use that money to pay for other things that they need," sabi niya.
Nagtatrabaho bilang cook sa isang locak restaurant ang kanilang padre de pamilya, pero hindi sapat ang kinikita nito sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya ngayong may pandemya.
Dahil dito, kumukuha na rin si Solis ng pagkain sa mga food bank at school district para matugunan ang kanilang pangangailangan.--Reuters/Jamil Santos/FRJ, GMA News