Inaprubahan ng House Committee on Health ang panukalang batas na bigyan ng libreng taunang medical checkup ang mga Pinoy.
Sa virtual hearing nitong Miyerkules, inaprubahan ng komite ang substitute House Bill 4093, o ang Free Annual Medical Checkup Act, na iniakda ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor.
"The recently-passed Universal Health Care Law highlights the importance of primary healthcare in promoting the health and wellness of the Filipino people," sabi ni Defensor nang isulong ang panukala.
"One of the aspects of primary healthcare is preventive care under which medical checkups fall and includes physical examinations and diagnostic tests," dagdag niya.
Sa unang bersiyon ng panukala, nakapaloob sa mungkahing free annual medical checkup ang diagnostic and laboratory tests para sa complete blood count, urinalysis, stool analysis, chest x-ray, at complete physical exam.
Pero sa deliberasyon ng technical working group, napagdesisyunan na limitahan na lamang ang libreng checkup sa pagsusuri sa blood sugar at total cholesterol level.
Maaari pa naman daw itong palawakin depende sa kapasidad ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth, ayon kay Defensor.
"We look at the expense of these two tests per person to be covered to be less than P500 which can be expanded depending on the capability of the agency in the future," paliwanag niya.
Naniniwala si Defensor na malaki ang maitutulong ng ganitong pagsusuri sa kalusugan para mabawasan ang mga pumapanaw sa sakit at maging ang gastos sa pagpapagamot kung maagapan ang sakit.
"In the long run, our small initial investment in giving free annual testing for blood sugar and cholesterol levels would mean less expenses for the government in the future," pahayag ng kongresista.
Mula sa komite, dadalhin sa plenaryo ang panukala para muling talakayin at aprubahan. Inaasahan na maaprubahan din ang katulad na bersiyon nito sa Senado, bago ganap na maging batas.—FRJ, GMA News