Niluto ng mga caretaker ang ostrich na namatay dahil sa stress matapos mag-viral sa social media kamakailan na nakunang tumatakbo sa isang subdivision sa Quezon City. Depensa ng abogado ng may-ari, biktima lang ng pagkakataon ang owner at minahal naman din nito ang ostrich.
Sa ulat ni MJ Geronimo ng Stand For Truth sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, sinabing niluto ng mga nag-aalaga ang ostrich sa kabila ng utos ng may-ari na si Jonathan Cruz na ilibing na lamang ang hayop.
"May mga salaysay naman 'yung mga tao niya na nanghinayang sila du'n sa karne ng ostrich. Kinain na nila ito. Kinabukasan pagbisita ni Mr. Cruz, balahibo na lang," saad ni Atty. Charlie Pascual, abogado ng may-ari ng ostrich.
Iniimbestigahan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang insidente.
Humarap naman ang may-ari sa pagdinig.
Ayon sa DENR, hindi labag sa batas ang pagkain ng karne ng ostrich, pero may problema ang may-ari sa pagkuha sa naturang hayop.
"The implementing rules and regulation permits na puwede siyang kainin, puwede siyang gawing livestock na parang manok o baboy. But again, the issue here is not 'yung pagkain nila, but it's mere possession of the ostrich. 'Yung wildlife registration permit, wala silang maipakita," sabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda.
Naaliw ang netizens nang mag-viral ang video ng mga tumatakbong ostrich sa isang subdivision sa Quezon City noong nakaraang linggo. Nahuli naman pagkatapos ang dalawang ostrich.
Nasa pangangalaga ng may-ari ang dalawang ostrich noon pang Oktubre 28, 2019, na nanggaling sa Misamis Oriental at nakatakdang dalhin sa Nueva Ecija.
Pero napagod sa biyahe ang mga ostrich kaya dinala muna sila sa Quezon City, at dito na naipit nang mag-expire ang travel permit na binigay ng nagbenta nito.
"Hindi niya naibigay 'yung local transport permit na hinihingi pa ni Mr. Cruz para ibiyahe from Manila to farm niya sa San Leonardo 'yung mga ostrich," ayon kay Antiporda.
"Itong mga ostrich na ito, itong nag-aalagang 'tong sina Mr. Jonathan Cruz ay biktima lang din ng pagkakataong ito. Minahal din naman nila itong ostrich na 'to. Humihingi din po ng paumanhin, itong mga pamilyang ito ay disenteng pamilya," sabi ni Atty. Pascual.
Ibinigay na sa DENR noong Biyernes ang isa pang ostrich, na nagtamo ng malaking pasa sa likod.
Patuloy naman ang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga kakasuhan. —Jamil Santos/KG, GMA News