Huli sa CCTV ang pagnanakaw sa isang bisikleta sa Sampaloc, Maynila kung saan nagkunwari pang tumulong sa paghahanap ang suspek.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes, kita sa CCTV na pinasok ng suspek ang bakuran ng isang bahay at paglabas nito ay nakabisikleta na.
Nagtakbuhan palabas ang mga nakatira sa bahay nang marinig nila ang tunog ng gate.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang suspek na ipinarada ang bisikleta at tumawid sa isang bangketa. Nang makita niya ang mga naghahanap ng bisikleta ay nagkunwari siyang tutulong.
Ayon kay Kagawad Ariel Policarpio ng Barangay 500, ang suspek pa mismo ang nag-suggest na i-review ang CCTV para raw matukoy ang salarin.
Kinilala ang suspek na si Andreo Joaquin Gonzales, 18 anyos. Aniya, hindi naman niya balak nakawin ang bisikleta, na pag-aari raw ng kaniyang tiyuhin. Hihiramin lang daw sana niya ito para kunin ang mga ititinda niyang face shield.
"Hindi po ako nagpaalam," sabi ng suspek. "Nahihiya po ako. Baka hindi ako pahiramin."
Nabawi ang bisikletang tinatayang nagkakahalaga ng P10,000.
Nahaharap sa kasong theft si Gonzales, na ayon sa mga residente ng barangay ay hindi naman pasaway. —KBK, GMA News