Matapos ang halos 10 oras na pagdinig na ginawa ng Senado tungkol sa umano'y katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Martes, naniniwala ang ilang senador na kailangang magpatupad ang Malacañang ng matinding reporma sa ahensiya para matigil na ang umano'y kalokohan at katiwalian dito.
Sa pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Senate Finance Committe chairman Sonny Angara, na hindi katanggap-tanggap na winawaldas lang umano ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth na kinakaltas sa bawat sahod.
"I made some recommendations to the Committee of the Whole. Importante na tumigil na ang kalokohan dito at mapangalagaan ang pondo ng taumbayan lalo na sa panahon ng COVID-19," ayon sa senador.
"Masakit pakinggan ang nangyayari na ang ilang taon nang kinakaltasan sa paychecks natin tapos nawawaldas lang pala... Wala bang konsensiya ang mga taong ito?," tanong niya.
Bukod sa kontribusyon, mayroon pa umanong mahigit P400 bilyon na subsidiya na inilalaan ang Kongreso pa na Philhealth.
Sa naganap na pagdinig, tinatayang nasa P15 bilyon umano ng pondo ng ahensiya ang nawaldas dahil sa mga katiwalian.
Nangangamba rin ang mga opisyal na papaubos na ang pondo ng ahensiya dahil sa gastusin sa mga pasyente ng COVID-19 at kung hindi huhupa ang pandemiya ay posibleng mabangkarote na ang ahensiya sa 2022.
Ayon kay Angara, mahina ang institutional checks and balances sa ahensiya kaya nakalulusot ang mga kuwestiyunableng transaksiyon tulad ng cataract at dialysis claims.
Kabilang sa rekomendasyon ng mambabatas ay magkaroon ng special audit sa pondo ng PhilHealth lalo na sa mga kuwestiyunableng transaksyon.
Bagaman kinukuwestiyon din ang information technology (IT) project sa ahensiya, sinabi ni Angara na dapat magkaroon ng totoo at malakas na IT system na makakabisto ng mga katiwalian sa PhilHealth.
Inirekomenda rin niya na magkaroon ng independent board members sa PhilHealth at taun-taon na hingin ang medical claims at financial data ng ahensiya.
Dapat din umanong imbestigahan ng Ombudsman ang mga matataas na opisyal ng PhilHealth at imbitahan ng Senado sa pagdinig ang Presidential Anti-Corruption Commission para alamin ang sarili nilang imbestigasyon sa ahensiya.
Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, hindi sapat ang "tiwala" para panatilihin ng Malacañang sa puwesto ang mga opisyal ng PhilHealth sa harap ng mga alegasyon ng katiwaliang nagaganap sa ahensiya.
"The fact there is corruption that is going on and continues to go on sa PhilHealth, dapat may drastic step na gawin ang Malacañang. 'Di na pwede ang trust and confidence na blanket," giit ng mambabatas.
"Tulad ngayon, Presidential Anti-Corruption Commission na mismo nag-submit ng report. Gusto natin malaman at makita anong gagawin ng executive department tungkol dito," dagdag niya.
Naniniwala rin si Senate President Vicente Sotto III na kailangang magkaroon ng "paglilinis" sa matataas na posisyon ng PhilHealth.
"Linisin muna. Kailangan linisin, hindi 'yung mga relationship ng mga ospital sa mga nasa ibabang regional, sa taas muna. 'Yun ang kailangang linisin. Grabe doon eh," ayon kay Sotto.
"Yung mga kontrobersyal na posisyon na may mga alegasyon, palitan mo at humanap ka ng mga ipapalit na talagang ika nga eh mahirap i-corrupt," patuloy niya.
Sabi pa ni Sotto, hindi pa dapat ikatakot ang itatagal ng pondo ng ahensiya na posibleng mabangkarote na.
"Hindi ako natatakot doon sa actuarial life eh. Matatakot ako sa actuarial life kung hanggang ngayon ay puro korapsyong ganiyan ang nangyayari," giit niya.--FRJ, GMA News