Dismayado ang social action arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 110,000.
Ayon kay Caritas Philippines National Chairperson Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nakababahala na ang sitwasyon ng patuloy na pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit sa bansa.
Dahil dito, umaapela ang Obispo ng pagiging disiplinado ng mamamayan sa pagsunod sa mga safety health protocols na ipinatutupad.
Nanawagan din si Bishop Bagaforo sa pamahalaan na muling suriin ang ipinatutupad na mga paraan ng pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19 upang epektibong mawakasan ang pagkalat ng sakit.
“Nakakalungkot at saka siguro panawagan talaga natin hindi lamang sa ating mga kapatid na tuparin ang disiplina sa pagsunod ng health protocol at higit sa lahat panawagan natin sa ating pamahalaan na pag-isipan at pagsikapan na ma-stop at ma-flatten yung curve natin at saka hindi na makalat pa talaga (yung virus)…”pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng obispo ang kahalagahan na mabigyan ng ayuda ang mga pinakaapektadong mamamayan lalo na sa muling pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region at mga karatig-lalawigan.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na mahalagang mabigyan ang suporta ang mga apektadong pamilya na pinagbabawalang lumabas ng tahanan.
“Siguro napaka-importante matulungan natin ang ating mga kababayan na mabigyan ng ayuda, ng sustento para maiwasan nila na huwag lumabas at maghanapbuhay. Yun ang nagiging sanhi minsan ng pagkalat (ng virus) yung ating crowd exposures nawawala yung social distancing, physical distancing. Panawagan natin sa ating pamahalaan tulungan po natin at magkaisa po tayo,” dagdag-pahayag ni Bishop Bagaforo.
Noong ika-4 ng Agosto muling ipinatupad ng pamahalaan ang MECQ na magtatagal hanggang sa ika-18 ng Agosto, kasunod ng apela ng mga medical frontliners na higpitan muli ang quarantine dahil sa pagud na pagud na sila dahil sa patuloy na pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. —LBG, GMA News